MABABA ang turnout ng voter registration matapos umabot lamang sa 150,000 ang negparehistro simula nang buksan muli ito noong Disyembre 12, 2022.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson John Rex Laudiangco, na posibleng dahilan ay naka-holiday mode na ang publiko kaya mababa lang ang bilang ng mga nagparehistro.
“Yung unang mga araw ng registration mula noong December 12 ay mahigit 150,000 lamang ang ating mga kababayan na nagparehistro kahit doon sa Register Anywhere Project (RAP) nasa 611 lamang sila kaya patuloy kaming nananawagan sa tulong ninyong lahat na sa ating mga kababayan na magparehistro na ng maaga ngayong bakasyon,” sabi ni Laudiangco.
Idinagdag ni Laudiangco na bukas ang Comelec araw-araw maliban na lamang sa Disyembre 24, 25, 26 at 31 ngayong Disyembre.
Aniya, tatagal ang voter registration hanggang Enero 31, 2022.
Nasa Facebook Page din ng Comelec ang listahan ng mga mall na nag-aalok ng RAP.
“Paki check na lang din po ang facebook page namin para sa malapit na mall kapag nag-schedule tayo doon na po tayo magparehistro, mas convenient kung mas maayos at ligtas,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi pa ni Laudiangco na kabilang sa mga lugar na may RAP ang Metro Manila, Tacloban at Naga.
“Pagdating ng Enero madagdagan sana yung ating mga kababayan na kahit hindi taga NCR, hindi taga Naga, hindi taga Legaspi at Tacloban ay magparehistro na po sa mga lugar na yan para sa makaboto po sila sa kanilang probinsya,” aniya.