UUMPISAHAN na ng House committee on justice ang pagdetermina kung may sustansiya nga ba ang impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Ipinasa na ng plenaryo sa komite ang complaint laban kay Leonen, at inaasahan ang komite na pinangungunahan ni Leyte Rep. Vicente Veloso III na makagagawa ito ng report sa loob ng 60 session days.
Kailangan idetermina ng komite kung sufficient in form and substance and complaint na inihain laban kay Leonen ni Edwin Cordevilla, secretary-general ng Filipino League of Advocates for Good Government noong Disyembre.
Ayon sa reklamo, hindi nagsumite si Leonen ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) sa loob ng 15 taon habang siya ay opisyal ng University of the Philippines.
Ang reklamo ay inendorso naman ni locos Norte Rep. Angelo Marcos Barba, pinsan ng talunan na si dating Senador Bongbong Marcos.
Si Leonen ang humahawak ng electoral protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.