KASABAY nang pag-amin na hindi niya tinanggap ang alok ni Senador Panfilo Lacson na makiapg-alyansa rito, sinabi ni Vice President Leni Robredo na hindi doon nagwawakas ang kanilang pag-uusap na may kaugnayan sa nalalapit na halalan.
Sa katunayan, tuloy aniya ang kanyang “exploratory talks” sa iba pang presidential aspirants para makahanap ng “common ground” na siyang lalaban sa pambato ng administrasyon.
At una na umano sa kanyang listahan ay si Senador Manny Pacquiao na tiyak na kakausapin niya sa sandaling matapos ang laban nito sa Estados Unidos sa Agosto 21.
“In fact, one of the things we agreed on is that once Sen. Manny Pacquiao arrives, we will try to sit together and discuss,” ayon sa pangalawang pangulo.
“It’s a continuing thing until we hit the common ground,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag din ni Robredo ang dahilan kung bakit hindi siya pumabor sa alok ni Lacson.
Aniya nais ni Lacson na pare-parehong mag-file ng kanilang kandidatura ang lahat ng nais tumakbong pangulo sa darating na halalan, at pagkatapos ay saka aatras at susuportahan ang sinoman ang mangunguna sa mga survey.
Ayon pa kay Robredo, sa tingin niya ay hindi patas ang nasabing panukala ni Lacson sa kanilang mga supporter.