PINAGTAWANAN ng Malacañang ang online presidential preference survey kung saan nangunguna si Vice President Leni Robredo.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, tila nangangarap ang kampo ni Robredo na may laban ito sa presidential elections sa susunod na taon.
“Naku, mukhang wishful thinking po iyan,” ani Roque. “Hindi ko po naririnig kung ano iyong polling company na iyan.”
Dagdag ni Roque, wala siyang bilib sa mga survey bigla na lang sumusulpot.
“Ang pinaniniwalaan ko po ang mga pinagkakatiwalaang polling companies na malinaw po kung paano ang procedure nila bagama’t 1,200 lang ang kanilang sample,” paliwanag niya. “Hindi ko po alam kung anong prosesong ginawa nitong kumpanyang ito at sa totoo lang hindi ko po naririnig pa iyang kumpanyang iyan.”
Base sa survey, mayroon nang 33.62 porsyento “boto” si Robredo ala-1 ngayong araw. Sinusundan siya ni Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte-Carpio na may 22.4 porsyento at Sen. Manny Pacquiao na may 14.76 porsyento.
Nasa ikaapat at limang puwesto naman sina Bongbong Marcos (11.35 porsyento) at Manila Mayor Isko Moreno (6.8 porsyento). –WC