Leni di priority; ‘Manok’ ng oposisyon para sa pagkapangulo ‘magsasabong’ pa sa online voting

KABILANG sina Vice President Leni Robredo, dating Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Grace Poe, Sen. Nancy Binay at Manila Mayor Isko Moreno sa mga pagpipilian sa online selection of candidates ng opposition coalition na 1Sambayan.


Sa isang panayam, sinabi ni 1Sambayan convenor Howard Calleja na dalawang pangalan pa ang inaasahang maidadagdag sa listahan bago ang “botohan” sa Hunyo. 12.


“Pinagpipilian namin sina VP Leni, Senator Grace, dating senador Sonny, Senator Nancy, Mayor Isko Moreno. However, sabi ko nga nga sa June 12, magbibigay kami ng aming listahan more or less, meron pang karagdagang dalawa ito. Pagbibigyan natin ang mga miyembro ng 1Sambayan at ‘yung public para mag-participate,” ani Calleja.


Idinagdag niya na bagaman sinabi ni Robredo na bukas siya sa pagtakbo sa pagkapangulo, hindi Ibig sabihin ay siya na ang isasabak ng koalisyon sa presidential race.


“Magandang development ito, welcome ang pahayag ni VP Leni na bukas ang option niya, at gusto niya ay nag-iisa at unified opposition,” aniya.


“Pero ang sasabihin ko lang ang mga nominado ng 1Sambayan, wala hong priority diyan, lahat ho ‘yan pantay-pantay. So, kinausap naman po natin ang ating mga nominado at bibigyan po natin ng equal treatment, transparent selection,” dagdag pa ni Calleja.


Sinabi pa niya na bukas din ang 1Sambayan kina Sen. Manny Pacquiao, Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III. –WC