KASALANAN ni Vice President Leni Robredo kung bakit naging “dekorasyon” lamang siya sa pamahalaan, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Paliwanag ni Roque, binigyan ng papel ni Pangulong Duterte sa gobyerno si Robredo pero mas ginusto nitong pangunahan ang oposisyon.
Ito ang sagot ng Palasyo sa sinabi Robredo na kung sakaling nagkapalit sila ng puwesto ni Duterte ay hindi niya gagawin ang ginawa ng huli sa kanya.
“Kung maalala n’yo po, binigyan ng Cabinet post ng Presidente si VP Leni Robredo pero siya po ang namili na nais niyang maging lider ng oposisyon kaya naging palamuti po siya ng limang taon, Pero sa mula’t-mula po, hindi po nagkulang ang Presidente, binigyan po siya ng Cabinet post bilang Housing secretary,” ani Roque.
Hindi naman sinabi ng opisyal na nagbitiw sa puwesto si Robredo matapos siyang hindi padaluhin sa mga pulong ng Kabinete.
Ginawa ring co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs si Robredo pero tinanggal din sa puwesto ni Duterte.
“Talaga naman pong tayo ang tumatahak ng ating tadhana. Siguro po ganyan ang inukit na tadhana ni VP Robredo. Sa tingin ko naman po, iba ang magiging tadhana ni Presidente Duterte kung baka sakaling siya’y magiging VP,” dagdag ni Roque.