SINAMPAHAN na ng kasong cyberlibel ni Atty. Vince Tañada at iba pang producers ng pelikulang “Katips” ang komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia.
Ayon kay Tañada, nag-ugat ang kaso sa mga malisyosong social media post ni Juliana kaugnay sa panalo ng “Katips” sa nakaraang FAMAS Awards.
Aniya, naihain na ng kanyang mga co-producers sa piskalya ang kaso.
“Ang alam ko nai-file na nila ‘yon sa piskalya at hinihintay na lang natin yung decision about that,” dagdag ni Tañada.
“Nasaktan sila dahil libelous nga naman ‘yung sinabi ni Juliana Parizcova,” aniya pa.
Humirit pa si Tañada na kailangang turuan ng leksyon si Juliana at iba pang nagpapakalat ng fake news para mabawasan ang disinformation.
Matatandaan na nagpahiwatig si Juliana na marami ang nahakot na awards ng “Katips” sa 70th FAMAS dahil si Tañada ang direktor ng awards night noong nakaraang taon.
“Babatiin ko na sana yung humakot daw ng awards sa FAMAS at pelikulang pa-victim na kunwari tinatapangan para itapat sa Maid in Malacañang, kaso andaming resibo. Sige na nga… Congrats Hahahaha!” ani Juliana sa Facebook post.
Inilakip pa niya sa post ang screenshot ng closing credits ng 69th FAMAS kung saan makikita na si Vince ang director ng awards night.