KINUMPIRMA ngayong araw ni Justice Sec. Menardo Guevarra na namatay sa sakit ang inmate na si Vicente Sy, isa sa mga testigo laban kay Sen. Leila de Lima.
“I have just been informed that Vicente Sy has died on account of various illnesses,” ani Guevarra.
Inanunsyo ni Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag na sumakabilang-buhay si Sy gabi ng Huwebes dahil sa atake sa puso.
Nakadetine si Sy sa Philippine Marine Corps BuCor extension facility sa Fort Bonifacio.
Noong Martes ay dumaing si Sy na nahihirapan siyang huminga kaya dinala siya sa Manila Naval Hospital sa Taguig.
Matapos bigyan ng gamot at oxygen ay ibinalik si Sy sa selda.
Kinabukasan ay itinakbo na siya sa Ospital ng Muntinlupa dahil hindi umano bumuti ang kanyang pakiramdam.
“While waiting for an available slot for admission at OsMun (Ospital ng Muntinlupa), PDL (person deprived of liberty) Sy experienced another cardiac arrest and succumbed at around 8 PM yesterday, July 29,” ani Chaclag.
“Cadaver is scheduled for autopsy as part of our regular procedures,” dagdag niya.
Noong isang taon, namatay sa Covid-19 si Jaybee Sebastian, isa pang testigo laban kay de Lima. –A. Mae Rodriguez