NAGBUNYI ang Malacañang sa ginawang pagtataboy ng Philippine Coast Guard sa mga Chinese militia vessels sa Sabina Shoal sa Palawan.
Patunay ito, hirit ni presidential spokesman Harry Roque, na kaya rin ng mga Pilipino na magpalayas ng dayuhan na nasa karagatang sakop ng bansa.
“Iyan po ang administrasyon ni Presidente Duterte. Sa administrasyon ni Albert del Rosario nang siya ang nasa Department of Foreign Affairs, tayo ang pinapalayas,” aniya.
“Kay Presidente Duterte, tayo ang nagpapalayas. At paninindigan po ng Presidente na walang teritoryong mawawala sa administrasyon niya. At iyan po ang kanyang pinatutupad ngayon,” dagdag ni Roque sa panayam sa radyo.
Naniniwala naman ang opisyal na walang magiging epekto ang ginawa ng PCG sa relasyong PH-China.
Ngayong araw ay inilabas ng PCG ang video kung paano nito pinaalis ang mga Chinese militia vessels sa Sabina Shoal na nasa teritoryo ng Pilipinas.
“This is Philippine Coast Guard. We are BRP Cabra (MRRV-4409). You are within Philippine Exclusive Economic Zone. You are requested to provide the following: name of vessel, intention, last and next port of call on Channel 16,” ang sinabi ng crew member ng BRB Cabra sa mga Tsino.
Nang hindi sumagot ang mga Tsino sa pagradyo, nilapitan ang mga ito ng barko ng Pilipinas pero dali-dali namang nag-atrasan ang mga militia vessels.