SA huli, ang Pangulong Duterte pa rin ang magdedesisyon kung papayag itong makasama si Vice President Leni Robredo sa infomercial para himukin ang publiko na magpabakuna.
“It will really depend on the President, and the President will assess. Pag-aaralan ng Presidente kung talagang mayroon bang kontribusyon ang pagsali ni VP Leni sa infomercial na kagaya ng pinaplano,” ani presidential spokesperson Harry Roque.
Nauna nang niliwanag ni Robredo na hindi siya kontra sa bakuna na galing sa China taliwas sa ipinalalabas ni Roque.
Hirit ni Robredo na fake news ang kumakalat na hindi siya bilib sa Sinovac. “Gusto ko iklaro may nagka-fake news, sinisiraan ko raw ang Sinovac dati,” sagot ng vice president sa sinabi ni Roque na hindi ito pabor sa ipinanukalang infomercial dahil sa pamumulitika umano niya sa Sinovac.
“Hndi natin sinasabi na hindi siya [Sinovac] maganda,” aniya sabay sabi na kinuwestiyon lamang niya noon ang Sinovac na kahit wala pa itong positibong rekomendasyon mula sa Health Technology Assessment Council (HTAC) ay binigyan na ito ng emergency use authorization (EUA) ng pamahalaan.
Idinagdag din niya na sinabi rin noon ng Food and Drug Administration na hindi nito inirerekomenda ang Sinovac sa mga health workers dahil sa low efficacy rate nito. –WC