INC tinuligsa pag-aresto, pagpapasuko kay Duterte sa ICC

HINDI nagustuhan ng Iglesia Ni Cristo ang ginawang pagsusuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands para harapin ang kasong crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court.

Ayon kay Edwil Zabala, spokesperson ng INC, na hindi dapat dinala sa The Hague si Duterte para doon litisin kundi dapat dito sa bansa kung saan maayos na gumagana ang sistema ng hustisya.

“Sinumang Pilipino o mamamayan ng ating bansa na may ginawang paglabag sa ating batas, dito dapat litisin sa ating bansa sapagkat gumagana naman ang sistema ng ating hustisya,” ayon kayZabala.

“Hindi po natin sinasabing huwag litisin ang dating pangulo sa mga inaakusa sa kaniya. Ang sa ganang amin po, nagtitiwala ang Iglesia ni Cristo sa integridad at kakayahan ng Hudikatura para pagpasyahan ang ganitong bagay at usapin,” dagdag pa ni Zabala.

Ginawa ng INC ang pahayag halos dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang arestuhin si Duterte at idetine sa ICC.

“Ang mga hukom natin ay may kakayahan po na gampanan ang kanilang tungkulin na ipataw ang tamang hustisya at pairalin ang katarungan sa anumang sandali,” dagdag pa nito.

Hindi rin anya dapat isinusuko ng pamahalaan ang soberenya nito sa ibang bansa.

“Kung ano ang tama, at kung ano ang nasa batas natin, ‘yun sana ang dapat pairalin. Huwag po itong pilipitin para umayon sa nais ng sinuman. Hindi po sumasang-ayon ang Iglesia sa anumang hakbanging hindi naayon sa ating bansa.”