TUMANGGI si Sen. Imee Marcos na sagutin ang tanong kung nag-aalala ba siya sa kaligtasan ng kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos makaraang umano’y pagbantaan ni Vice President Sara Duterte.
“Ayoko na mag-comment diyan. Kasi parang dagat, dinadagdagan lang natin ang init at puro speculative naman ‘yung mga pinagsasabi,” ani Imee sa isang panayam sa radyo.
Kaugnay nito, hindi rin inihayag ng senadora kung nabanggit sa kanya ni VP Sara na may banta sa buhay nito kaya ito gumanti ng banta sa Pangulo.
“Sa palagay ko hindi naman kailangan banggitin pa ninuman na may banta sa buhay ng isang Duterte. Tulad ng isang Marcos. Lagi naman may banta sa mga buhay namin. Kaya may security kami,” paliwanag niya.
Maaalala na isiwalat ni VP Sara na mayroon na siyang napagbilinan na indibidwal na sakaling mapatay siya ay patayin ng huli ang Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Klinaro naman ni VP Sara na hindi pagbabanta sa Pangulo ang kaniyang mga inihayag kundi pangamba sa kanyang buhay.