Imee: Party ni Imelda sa Malacanang, meryenda lang, bawal ba yun?

IGINIIT ni Senador Imee Marcos na walang ginastos na pera ng gobyerno nang mag-party ang kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos sa loob ng Malacanang, dalawang araw matapos pormal na maupo si President Bongbong Marcos.

Ayon sa senador, simpleng meryenda lang ang nasabing selebrasyon ng kaarawan ng kanyang ina.

Umani ng batikos ang pamilya Marcos matapost lumabas ang mga larawan ng birthday party ng dating First Lady sa Rizal Ceremonial Hall ng Malacanang. Giit pa ni Imee, isang simpleng family at friends na get together lang ang party.

“Well nag-merienda, nag-merienda lang. Syempre ‘yung nanay ko 93 na, ang tatanda na nun. ‘Pag sinabing party, parang yugyugan, hindi ganun kasi they are also ancient,” ayon sa senador.

Isa pa, hindi rin naman umano bawal ang mag-party sa loob ng Malacanang dahil noong bata pa siya ay ginagawa rin nila iyon.

“I don’t think that is the case (na pera ng gobyerno ang ginamit). “I’m sure. Everyone brought food, as a matter of fact, that was quite funny.

“At saka libre naman lahat nung mga tumugtog. Bawal ba ‘yun? Hindi ko alam kasi nagbi-birthday party rin ako nung bata ako dun eh, bawal ba yun?” dagdag pa niya.