Galit na hinamon ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo si Senador Imee Marcos na i-donate ang isang buwang sahod nito kung sa tingin niya ay maliit ang P1,000 ayuda na ibinigay ng pamahalaan sa mga residente na apektado ng enhanced community quarantine.
Sa kanyang programang “Counterpoint” na inere sa social media, sinabi ni Panelo na labis siyang nadismaya sa naging pahayag ni Marcos na maski ang mga Ilocano na sobrang tipid ay mahihirapan diumano na pagkasyahin ang P1,000 ayuda.
“You, too, Imee Marcos, I’m really disappointed with you, I did not expect you can say something like that,” pahayag ni Panelo,
Si Marcos na hindi miyembro ng oposisyon ay nanalo noong 2019 senatorial elections matapos suportahan ng administrasyon ni Duterte.
Sa ilalim din ng pamahalaang Duterte pinayagan ang matagal nang hinihiling ng pamilya Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Kasabay nito, binanatan din ni Panelo sina Vice President Leni Robredo, dating Vice President Jejomar Binay at mga miyembro ng oposisyon sa Senado gaya nina Risa Hontiveros at Panfilo Lacson dahil sa pahayag na maliit ang ayudang ibinigay ng pamahalaan.
Hinamon din niya ang mga ito na ibigay ang kani-kanilang isang buwang sweldo para pandagdag sa ayuda.
“To the opposition, if possible, stop criticizing the government for a while, VP Leni, Jejomar Binay, we have a P22.9 million budget for 22.9 million Filipinos,” pahayag ni Panelo.
“I will pose a challenge to the three of you and those who are complaining. Instead of complaining about how small the cash aid is, let us dare each other. Give your one-month salaries, I will donate mine,” dagdag pa nito.