Huwag gumamit ng politiko sa informercial, magagalit ang publiko–Sotto


KUNG sakaling gagawa ng vaccine informercial ang pamahalaan, huwag gumamit ng politiko dahil siguradong maiinis lang ang publiko, ayon kay Senate President Tito Sotto.


“Pangit na suggestion ‘yun. Bakit gagamitin mo ang mga politiko?” ani Sotto.


“Maiinis ang tao. 40 taon ko nang pinupulsuhan ang masa–alam ko ang ayaw nila at gusto. Ayaw nila noon, ayaw nila. Hindi tatalab ang infomercial mo kapag ginamitan mo ng politiko,” dagdag ng mambabatas.


Aniya pa: “Sayang ang pera, believe me. Bakit sayang ang pera? Magka-cancel out. Ano ang ibig kong sabihin? Merong maniniwala, merong mate-turn-off.

Kinansel-out mo lang, nagtapon ka lang ng pera.”


Matatandaang, iminungkahi ni Sen. Joel Villanueva na gumawa sina Pangulong Duterte at Vice President Leni Robredo ng infomercial para himukin ang publiko na magpabakuna.


Pero para kay Sotto mas magiging mabisa kung imbes na mga politiko ay mga atleta o sikat na personalidad ang gawing bida sa vaccine informercial.


“Gumamit ka ng karaniwang tao. Gumamit ka ng mga kilalang tao na nirerespeto, lalo na ‘yung hindi konektado sa politika. Bakit mo gagamitin ‘yung mga politiko? Plugging pa ‘yun eh, halatang-halata naman,” aniya.


“Gumamit ka ng sikat na basketball player, softball player, volleyball player, gumamit ka ng ganoon, na hindi politiko as much as possible. Pag ganoon, may kasama nang karga ‘yun eh, hindi na maganda,” dagdag ni Sotto.