BINENGBANG ng longtime partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña ang Senate hearing na ipinatawag ni Senador Imee Marcos hinggil sa pag-aresto at pagsuko sa dating president sa International Criminal Court.
Ayon kay Avanceña, wala namang bagong nailabas ang Senate committee on foreign relations na pinangungunahan ni Imee, kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos, sa ikatlong pagdinig tungkol sa pagsuko ng pamahalaan sa kanyang partner.
Tahasan ding sinabi nito na hindi siya naniniwala sa senador.
“Pa-ek-ek na lang ‘yun. Hindi ako naniniwala sa kanya [Imee Marcos]. Tanong siya na ano ba talaga nangyari? Hindi ba niya nakita kung anong nangyari?” pahayag ni Avanceña sa ambush interview nitong Biyernes.
Isang buwan na ang nakararaan nang arestuhin si Duterte pagdating nito mula sa Hong Kong, base sa arrest warrant na inisyu laban sa kanya ng ICC kaugnay sa kasong crimes against humanity.