SINABI ni Speaker Martin Romualdez na isusulong ng Kamara na manatili ang fuel subsidy at Libreng Sakay program ng Department of Transportation (DOTr) sa 2023.
“This is one of the pro-people provisions of the proposed national budget. Kailangan ito ng mga mamamayan,” Romualdez said.
Idinagdag ni Romualdez na naglaan ang Kamara ng P5.5 bilyon para sa P2.5 bilyon Pantawid Pasada Fuel Program; P2 bilyong Libreng Sakay at P1 bilyong pagtatayo ng mga bike lanes.
“Itong Pantawid Pasada at Libreng Sakay, diretsong ginhawa ito sa ating mga kababayan. Ayuda ito sa mga drayber at operators sa panahon ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. At ang libreng sakay naman ay malaking tulong sa ating commuter na nahihirapang pagkasyahin ang kita sa isang araw,” dagdag ni Romualdez.
Nakatakdang magtapos ang Libreng Sakay sa Edsa Bus Carousel sa Disyembre 31, 2022.
Nagpupulong ang bicameral conference committee para ayusin ang mga magkakaibang probisyon na ipinasa ng Senado at Kamara kaugnay ng panukalang P5.268 trilyong 2023 budget.