ITINANGGI ni Pangulong Duterte na kulang at mabagal ang naging pagtugon ng pamahalaan sa banta ng Covid-19 kaya lumobo ang bilang ng mga nagkakasakit at namamatay na Pinoy.
Giit ni Duterte, lumikha siya ng task force na nakatuon sa pandemya dalawang araw matapos maglabas ng advisory ang World Health Organization (WHO) ukol sa simula ng pandemya.
“We were not wanting. I’d like to just disabuse the mind of na nagkulang tayo. Wala na kayong tinitingnan kung hindi ‘yung kagaguhan ninyo. Hindi tayo nagkulang, right after the WHO advisory, the following day after, basta within 48 hours, we already had the task force,” aniya sa kanyang public address kagabi.
Bilang sagot naman sa mga humihiling na buwagin na ang IATF, sinabi ni Duterte na matatalino ang mga namumuno rito.
“Baka sabihin n’yo wala naman talagang solusyon ito. Meron po: itong kaharap n’yo, ‘wag na ako, palaos na ako,” aniya.
“Harap ka sa panel ‘yan. Puro bright ‘yan, puro valedictorian. Alam nila kung ano’ng gawin nila. ‘Wag kayong mag-alala, we chose the right people to run the government,” dagdag niya.
Sinigurado rin ng Pangulo na malalampasan ng Pilipinas ang paghihirap na dinadanas nito.
“This will go, I think, before it gets better, we’ll have to go through the worst of times. Do not be afraid, government is working. Government is busy doing everything,” aniya.