TINATAYANG nasa mahigit 1.7 milyon na mga regular na empleyado ng gobyerno ang nakatakdang tumanggap ng kanilang year-end bonus simula ngayong linggo, ayon sa Civil Service Commission (CSC).
Bukod sa kanilang year-end bonus, posibleng makatangap din sila ng cash gift, ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada. Gayunman, depende na lang anya ito sa magiging kapasyahan ng kanilang tanggapan.
“Depende na rin ‘yan sa executive kung meron pa silang gustong ibigay, but this is really their prerogative in consultation with the DBM,” aniya.
Ani Lizada, aabot sa 600,000 na empleyado sa ilalim ng job order at contract of service (COS) ang hindi kwalipikado para sa year-end bonus dahil hindi sila kinikilala bilang mga regular na manggagawa.
Mayroong humigit-kumulang 400,000 job order at mga empleyado ng COS sa ilalim ng mga local government units (LGUs), at humigit-kumulang 200,000 empleyado sa ilalim ng iba pang ahensya.
“This does not preclude the executive from coming up with a package, depende po in consultation with DBM,” aniya ng opisyal.