IGINIIT ni Pangulong Duterte na hindi taga-Visayas si Lapulapu kundi miyembro ng tribong Tausug sa Mindanao.
Sa pagbisita niya sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao kahapon, sinabi ni Duterte na nararapat na gawing pambansang bayani si Lapulapu, ang isa sa mga datu ng Mactan sa Visayas na nagtaboy sa mga dayuhang mananakop.
“Sino nag-elevate kay Lapulapu? Di ba sabi ko noong nagpunta ako dito wala tayong national hero?” ani Duterte.
“I raised Lapulapu from the level of dignity of a true warrior and he was Tausug. The settlement is Tausug.” “Itong mga pilosopo, they are contesting Lapulapu. Sabi ko nandiyan na ‘yan. He killed the first invader of our country,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi pa niya na, “I am very proud of him, talagang napagyayabang ko kaya may medal. The medals I give to my soldiers now are all Lapulapu awards for bravery. Pinatay talaga si… (Magellan). “
Ngayong taon ang ika-500 anibersaryo ng Battle of Mactan kung saan tinalo ni Lapu-Lapu at kanyang mga kawal ang pwersa ng Portuges na manlalakbay na si Ferdinand Magellan at ang pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Matatandaang itinanggi ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga pahayag na taga-Mindanao si Lapulapu base sa salaysay ni Antonio Pigafetta, ang Italyanong kasama sa paglalakbay ni Magellan.
Ayon kay Figafetta, si Lapulapu ang pinuno ng Mactan nang mapatay si Magellan.
Larawan mula sa newsfeed.ph