Gibo balik-Davao: ‘Bakuna lang, walang politika’


BUMALIK ngayong araw sa Davao City si dating Defense Sec. Gilbert Teodoro para sa kanyang ikalawang dose ng bakuna kontra Covid-19.


Ani Teodoro, nakipagkita rin siya kay Mayor Sara Duterte-Carpio para kumbinsihin ang mga taga-Davao City na magpabakuna at hindi para pag-usapan ang politika.


Sinalubong siya at asawang si Monica ni Duterte-Carpio bago sila nagtungo sa Mintal Comprehensive High School.


Nang humarap sa mga mamamahayag, hindi nagkomento sina Teodoro at Duterte-Carpio sa mga tanong kung tuloy ang tandem nila sa 2022 elections bagkus ay iginiit ang kanilang mensahe ukol sa programang pagbabakuna ng pamahalaan.


Ayon sa alkalde, ang Mintal Comprehensive High School ang kauna-unahang vaccine center na pinanamahalaan ng Department of Education sa siyudad.


Idinagdag niya na inimbitahan niya si Teodoro na doon na pabakuna makaraang sabihin sa kanya ng huli na marami itong naririnig na magandang bagay ukol sa ginagawa ng mga medical frontliners sa Davao City.


“Importante sa akin na nandito si Sir Gibo kasi kung wala siya, wala rin kayo (media), hindi maha-highlight ‘yung pagbabakuna,” ani Duterte-Carpio.