SINIGURO ni Pangulong Bongbong Marcos na mabibigyan ng libreng internet service ang lahat ng mga remote area sa buong bansa.
Ginawa ni Marcos ang pahayag nang humarap ito sa “Online Kamustahan” na inorganisa ng Departmetn of Information and Communications Technology (DICT) nitong Sabado.
Ayon kay Press Undersecretary Cheloy Garafil, pinangunahan ni Marcos ang virtual rolloout ng “BroadBand ng Masa Program” (BBMP) na magbibigay ng libreng internet access sa mga mag-aaral at guro sa mga sinasabing geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) sa bansa.
“Yung mga malalayo, ‘yan ang mas kailangan. Lalo na ‘yung mga bata, para sa kanilang eskwela. Buti na lang, maraming bagong teknolohiya na pwedeng gamitin na,” ayon kay Marcos.
Naniniwala ang pangulo na ang paggamit ng digital technology ang siyang maglalapit sa publiko ng programa at serbisyo ng pamahalaan.
“Para naman kahit saan sa Pilipinas, makakaramdam tayo ng connectivity. At napaka-importante na ngayon niyan,” pahayag pa ni Marcos.