NANINDIGAN si dating Chief PNP General Benjamin Acorda na wala siyang kinalaman sa pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at lalo anyang wala siyang kinalaman sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“I can say to anybody squarely, eye to eye, without flinching an eye na masabi malinis tayo diyan kay Alice Guo. Wala tayong pakialam diyan sa pagtakas niya. Hindi rin ako tumatanggap ng pera sa kanya,” ayon kay Acorda.
Ipinaliwanag din nito na ang larawan na lumutang sa pagdinig sa Senado nitong Martes kasama ang ilang indibidwal na nadadawit sa usapin ng POGO na hindi ito anya nangangahulugan na may ginawa siyang ilegal.
“Kung lumapit man sila or may maitutulong para sa bayan at saka kung ano mga dapat na napag-usapan, legal lang ako. Hindi ako nakikipag-transact sa illegal. Yan lang ang masasabi ko,” giit pa ng dating hepe ng pulisya.
Giit pa niya na siya mismo ang nag-utos na isagawa ang pag-raid sa Bamban POGO hubs.
Siya umano ang PNP chief noong isagawa ang pag-raid ng Zun Yuan Technology, Inc, sa Bamban nitong Marso.
“Ako ang nagpa-operate sa Bamban. That is to put the record straight. And yan, hindi tayo nakikipag-transaction, hindi tayo nakipag-negotiate kung whatever na gusto nilang insinuate,” giit pa ni Acorda.
Masama rin anya ang loob niya nang ilutang ang larawan at magsimulang mag-speculate ang mga tao.