NASA 65 porsyento o isa sa bawat tatlong Pilipino ang naniniwala na dapat isapubliko ang estado ng kalusugan ni Pangulong Duterte, base sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ipinunto ng SWS na tumaas ng apat na porsyento ang bilang ng mga tao na nagsabing isang public issue ang kalusugan ni Duterte mula sa data na nakalap sa survey na ginawa mula Setyembre 17 hanggang 20 mula sa 61 porsyento noong Disyembre 2019.
Sa kabilang banda, nasa 32 porsyento lamang sa mga tinanong ang nagsabi na isang pribadong bagay ang kalusugan ng Pangulo kaya hindi ito dapat isapubliko.
Pinakamaraming naniniwala na ang kalusugan ni Duterte ay isang usaping pampubliko ay mula sa Visayas (69 porsyento) na sinundan ng Metro Manila (65 porsyento), at Balance Luzon at Mindanao (kapwa 64 porsyento).
Inilabas ng SWS ang survey sa gitna ng mga espekulasyon sa kalagayan ng Pangulo matapos hindi magpakita sa publiko nang halos dalawang linggo.
Sinabi naman ng Palasyo na hindi kailangang maglabas ng medical bulletin ni Duterte dahil wala itong sakit.
Samantala, sinabi ng SWS na isinagawa ang survey sa pamamagitan ng pagtatanong gamit ang cellphone at computer-assisted telephone interviewing (CATI) sa 1,249 mga Pinoy kung saan 309 ay mula sa Metro Manila, 328 sa Balance Luzon, 300 sa Visayas, at 312 sa Mindanao.