SINABI ng isang ekonomista na mas maraming magugutom dahil naman sa pagtaas ng inflation rate matapos makapagtala ng 7.7 porsiyento noong Oktubre.
Sa isang panayam sa DZMM, idinagdag ng ekonomista at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila President Prof. Emmanuel Leyco na inaasahang lalo pang tataas ang inflation rate.
“Kapag ganito kataas ang inflation, nakikita natin ang epekto sa pagkain, ang ibig sabihin niyan, marami rin ang papalya sa kanilang kakainin, marami pong makararanas ng gutom o kaya mababawasan ang kanilang kinakain, ang nutrition nila ay maaapektuhan,” sabi ni Leyco.
Idinagdag ni Leyco na posibleng lalo pang bababa ang halaga ng piso sa dolyar sa harap naman ng inaasahang pagpapatupad ng Amerika ng mas mataas na interest rate bilang solusyon din sa pagtaas ng inflation rate sa naturang bansa.
“Ang pakiwari ng mga ekonomista sa ibang bansa, napipinto ang recession, kailangang patuloy na abatan ito, tinitingnan nila ay ang pagtaas ng interest rate hanggang first quarter. Kapag mataas ang interest rate, muling bababa ang halaga ng piso at lalo pang tataas ang mga bilihin at ang inflation rate sa bansa,” ayon pa kay Leyco.
Nauna nang sinabi ng Philippine Statistics Authority na pumalo na sa 7.7 porsiyentong inflation rate noong Oktubre, ang pinakamataas na naitala sa nakalipas na 14 taon.