NANGAKO si Pangulong Duterte na ipatitigil niya ang e-sabong sakaling mapatunayang maraming Pinoy ang nagsasangla ng pag-aari dahil sa pagkalulong dito.
“Itong mga ito nagpupusta lahat, nagsasangla na para magpusta. Iyon ang sabi ng tagalabas. Now if it is true, then hihintuin ko ‘yan. Masigurado ninyo before I go, I will stop it kung totoo. But I have to sacrifice, I said, the billions that we would have earned kung nandiyan ‘yan,” sabi ni Duterte sa kanyang talumpati sa pagpapasinaya ng OFW Center sa Las Pinas.
Nauna nang sinabi ni Duterte na aabot ng P640 milyon buwan-buwan ang kinikita ng pamahalaan mula sa e-sabong.
Taliwas ang pahayag ni Duterte sa naunang sinabi na hindi niya ipahihinto ang e-sabong sa kabila ng mga ulat na 30 sabungero ang napaulat na nawawala.