Duterte rumesbak kay Pacman: ‘Another SOB playing politics’

HINAMON ni Pangulong Duterte si Sen. Manny Pacquiao na patunayan na mas masahol ang katiwalian sa kasalukuyang administrasyon kumpara noong panahon ng namayapang Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.


Sa kanyang Talk to the People address, sinabi ni Duterte kay Pacquiao na kung totoong tatlong beses na mas korup ang kanyang gobyerno ay isiwalat nito ang mga tanggapan at opisyal na sangkot sa mga katiwalian.


“Gaya ni Pacquiao. Salita nang salita na three times daw tayo na mas corrupt. So I am challenging him. Ituro mo ang opisina na corrupt, at ako na ang bahala,” ani Duterte.


“Within one week, may gawin ako. Maglista ka, Pacquiao, at sinasabi mong two times kaming mas corrupt. Ilista mo ‘yung mga tao at opisina. Dapat inilista mo na ‘yan noon, at ibigay mo sa akin,” dagdag ng Pangulo.


“Di ba ang sabi ko noon, if you come to know that is a corruption, let me know. Give me the office. Ganoon ang dapat na ginawa mo. Wala ka namang sinabi all these years, puro ka praises nang praises sa akin, tapos ngayon sabihin mo corrupt,” hirit pa ni Duterte.


Aniya, hihintayin niyang patunayan ng senador ang sinabi nito dahil kung hindi ay ikakampanya niyang matalo ito sa susunod na eleksyon.


“So maghintay ako sa listahan mo at sa mga tao. Matagal naman tayong magkaibigan. Hanggang kahapon, noong isang araw ka lang nagsabi ng corruption. It’s easy, really, to say. Hindi ko sinasabing walang corruption. Kaya nga ituro mo kasi ‘yung lahat ng itinuro ng iba, pinaalis ko na sa gobyerno. I am challenging you or else talagang sabi nga nila, totoo, namumulitika ka lang,” sabi ni Duterte.


“If you fail to do that, I will campaign against you because you are not doing your duty. Do it because if not, I will just tell the people, do not vote for Pacquiao because he is a liar,” aniya pa.


“I put you on notice. Isasabi ko lahat at kakalabanin kita (sa) panahon ng election. ‘Pag hindi, you’ll just be another son of a bitch playing politics,” dagdag pa ng Pangulo.