HAYAAN na lang si Pangulong Duterte na dumiskarte sa China kaugnay sa pagsakop ng mga barko nito sa karagatan ng Pilipinas, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi saklaw ng freedom of information ang mga usaping pandiplomatiko pero asahan na gagawin ni Duterte ang tamang desisyon “no matter what.”
“Kung ano man ang ginagawa ng Presidente, hayaan na nating gawin niya iyon sa isang pribadong pamamaraan,” ani Roque
“Let’s leave the President to his devices. Napakita naman niya na in the past five years of his administration, we have moved from a position of antagonism with China to a position of friendship,” dagdag ng opisyal.
Wala naman siyang nasabi kung kailan aalis ang mahigit 200 barko ng China sa Julian Felipe Reef.
“Pero inaasahan po natin na ‘yung malapit na pagkakaibigan natin, magiging dahilan kung bakit sila aalis nang mas maaga,” dagdag naman ni Roque