NAKAPAGTALA ng “excellent” net satisfaction rating si dating pangulong Rodrigo Duterte sa huling mga araw niya sa Malacanang, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Sa isinagawang survey ng SWS mula Hunyo 26 hanggang 29, lumabas na 88 porsiyento ng Pinoy ang satisfied, limang porsiyento ang undecided, at pitong porsiyento ang dissatisfied sa trabaho ni Duterte bilang presidente.
Mas mataas ng 10 puntos ang gross satisfaction ni Duterte kumpara sa 78 porsiyento noong Abril. Bumaba ng apat na puntos ang gross undecided mula sa siyam na porsiyento at bumaba rin ng anim na puntos ang dissatisfaction mula sa 13 porsiyento.
Ang net satisfaction rating +81 (% satisfied minus % dissatisfied), na ayon sa SWS ay kinukonsiderang excellent.
Ito ay mas mataas ng 16 puntos sa very good +65 noong Abril 2022 at mas mataas kumpara sa dating rekord high na +79 noong Nobyembre 2020.
Isinagawa ang survey gamit ang face-to-face interview ng 1,500 respondents.