IPINAGTANGGOL ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa hindi umano maayos na paggamit ng P67.3 bilyong Covid fund ng kagawaran at sinabing hindi niya ito tatanggalin sa puwesto.
“Alam ko, gusto mo na mag-resign, pero alam mo rin na tanggihan kita. Twice mo na ginawa pero tinanggihan ko. Wala ka namang ginagawang masama, bakit ka mag-resign?” ani Duterte kay Duque sa kanyang Talk to the People.
Iginiit pa ni Duterte na hindi niya papayagan ang katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Kasabay nito, binatikos ng Pangulo ang Commission on Audit sa pagsasapubliko ng report nito.
“‘Yang papel na ‘yan na preliminary audit, pag nilabas mo ‘yan sa media, it becomes the gospel truth. May suspicion na agad. Wag ka muna mag-audit hangga’t di matapos ang trabaho ko,” dagdag ni Duterte. –WC