Duterte di estapador, walang ginoyo’

HINDI nang-estafa at wala ring niloko si Pangulong Duterte nang sabihin niya na magtatanim siya ng bandila ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea noong nangangampanya pa lamang siya sa pagkapangulo.


Ito ang sagot ni presidential spokesperson Harry Roque sa sinabi ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na inamin ni Duterte na dinenggoy lang niya ang publiko sa kanyang mga pangako noong kampanya.


“Hindi po ‘yun panggogoyo. Dahil malinaw po ang salitang ginamit ni Presidente. Hindi po niya sinabi na ‘yung nawalang teritoryo ng nakalipas na administrasyon maibabalik niya. Ang pinangako niya, wala nang mawawalang teritoryo sa Pilipinas na siya namang nangyayari ngayon,” hirit ni Roque.


Kinastigo rin niya si Carpio dahil astang politiko na umano ito.


“Nalulungkot ako na bagamat na hindi sumasagot si retired Justice Carpio doon sa ating sinasabi na kabahagi siya doon sa namigay ng karagatan, he has resorted to name-calling. As a former justice, alam naman niya ang elemento ng estafa at alam niya hindi ito estafa,” paliwanag ni Roque.


“He’s now talking as a politician at nakakalungkot na sa isang usapin ng ating teritoryo, e imbis na adddressin ang issue e he has resorted to name-calling. Kung estapador po ang Presidente, anong tawag sa kanya? We will not stoop down to his level,” dagdag niya.