POSIBLENG maharap sa kasong gross negligence si Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa ulat ng Commission on Audit hinggil sa mga deficiency ng kagawaran na may kinalaman sa P67.32 bilyong pondo para sa COVID response.
Ito ang sinabi ni Senador Risa Hontiveros matapos tanungin ukol sa maaaring kasong maaaring isampa kay Duque.
“It is possible. Isa nga doon sa mga charges na may arise from the findings of the COA observation report, posible nga, yung gross negligence, yung neglect of duty. This could be one of the issues raised against Secretary Duque,” ani Hontiveros.
Kamakailan ay naglabas ng ulat ang COA hinggil sa mga deficiencies kaugnay sa P67.32 bilyon pondo na inilaan sa paglaban sa COVID-19.
Dagdag pa ng senador, sapat sana ang pondong ito para sa mga health workers at medical supplies.
“Malaking halaga yung P67 billion, it is nothing to sneeze at. Sapat sana yan sa benepisyo, sa tamang pasahod sa medical workers, sa medical supplies, libreng serbisyong pangkalusugan, at dagdag ayuda sa mga nangangailangan.”
Base sa COA findings, sinabi ni Hontiveros na marami ang mga Pinoy na napagkaitan dahil sa hindi paggamit ng pondo.
“Given the COA findings, it seems DOH is depriving thousands of Filipinos of medical services in the face of this national emergency. That is nothing short of criminal,” ani Hontiveros.