Duque magre-resign, may inaayos lang

NANGAKO si Health Secretary Francisco Duque III na magbibitiw siya sa puwesto kapag nalinis na ang mga isyu kaugnay ng Commission on Audit report sa Department of Health.


Ginawa niya ang pahayag isang araw makaraang payuhan siya ni Sen. Bong Go na gawin ang “supreme sacrifice when the right time comes.”


“Iyon naman ang aking pakiusap na i-clear ang COA findings, COA observations, ang aming action plan doon sa recommendations and then I am leaving,” ani Duque sa isang panayam.


Idinagdag ni Duque na nakikipag-usap na siya sa mga pinuno ng DOH regional offices, DOH hospitals, at mga hepe ng treatment rehabilitation centers sa bansa upang masiguro na tinutupad nila ang mga rekomendasyon ng COA.


“It’s a matter of time. ‘Yun naman talaga ang hiningi ko. I’m stepping down… pero bigyan lang ako ng kaunting panahon para maayos namin ng DOH ang lahat ng COA observations and findings,” aniya.


Naniniwala ang opisyal na walang mababago sa Covid-19 response ng pamahalaan sakaling umalis siya sa puwesto.


Iginiit din niya na wala siyang ninakaw sa kaban ng bayan.