IGINIIT ng Palasyo na binigyan ng due process ang ngayon ay nakakulong na si Senador Leila De Lima bunsod ng mga kasong may kaugnayan sa droga.
“While we respect the opinions of the presidentiables who gave their stance on Senator De Lima’s detention, we have to underscore that the senator has been accorded due process in all stages of her criminal prosecution,” sabi ni Acting presidential spokesperson Secretary Martin Andanar.
Ginawa ng Palasyo ang reaksyon matapos manindigan ang ilang presidential candidates sa nakalipas na debate na inorganisa ng Comelec na bibigyan nila ng due process si De Lima sa sandaling sila ang mahalal na pangulo sa darating na halalan.
Nanindigan ang labor leader na si Ka Leody De Guzman na dapat nang palayain si De Lima mula sa persekusyon na ginagawa ng gobyerno laban sa senador.
Giit naman ni Senador Manny Pacquiao na titiyakin niyang mabigyan ng due process si De Lima sakaling manalo siya sa halalan.
“The rule of law, as President Rodrigo Roa Duterte said on numerous occasions, must always prevail,” ayon pa kay Andanar.