“UTAK-TALANGKA“.
Ganito inilarawan ng Malacañang ang mga kritiko na kinastigo si Pangulong Duterte dahil sa pagpapanggap umano nitong simple at pangmahirap ang naging pagdiriwang ng kanyang ika-76 kaarawan sa Davao City.
Giit ni presidential spokesperson Harry Roque, walang masama kung may handa man na lechon si Duterte.
“Tingin ko naman utak-talangka lang po iyan. Birthday naman po ng Presidente. Ang importante po hindi magarbo ang selebrasyon. Hindi naman sinasabi ni Presidente kahit kailan na siya ay nagugutom, so hindi ko maintindihan kung ano ang punto, kung hindi talagang utak talangka lang po,” sabi ni Roque.
Sa larawan na unang ipinost ni Sen Bong Go, makikita ang Pangulo na hinihipan ang kandila sa ibabaw ng isang tasang kanin.
Pero kinalaunan ay kumalat sa social media ang video kung saan makikita na puno-punong ng handa ang mesa, kabilang ang isang lechon.
Ipinost ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang kopya ng litrato na kuha ni Go na katabi ang screen cap ng buong handaan. Ang caption dito ni Trillanes: “Huli ka! Manloloko! #BudolBudol!”
Sinegundahan ito ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite at sinabihan si Duterte na huwag nang magpanggap na mahirap dahil insulto ito sa totoong naghihirap.