DOH tikom sa VIP treatment kay Roque

TIKOM ang bibig ng Department of Health (DOH) sa akusasyon na mayroong VIP treatment kay presidential spokesman Harry Roque kaya agad itong na-admit sa ospital matapos muling dapuan ng Covid-19.


Ang tanging nasabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ukol dito: “We have our protocols and there is also a triaging system in our hospitals based on the level of severity of patients when they come in.”


Tumanggi naman siyang magsalita kung paano agad nakuha ng kama sa isang ospital sa Maynila si Roque gayong naiulat na puno na ang lahat ng mga ospital sa Metro Manila at katabing probinsya.


“For this, please forgive me, I’m not going to comment on this but as I’ve said we have protocols in our system,” ani Vergeire.


Kamakalawa ay naiulat na ginagamot si Roque sa ospital dahil muli itong tinamaan ng nakahahawang sakit.
Kahapon ay sinabi niya na maayos na ang kanyang pakiramdam “after only one vial of remdesivir and steroids” at lilipat na isang pasilidad para sa kanyang 14-araw na isolation.


Marami naman ang pumuna sa mabilis na paga-admit ng ospital kay Roque gayong maraming pasyente ang pinaghihintay nang ilang araw sa mga emergency room at mga sasakyan bago ina-admit habang ang iba naman ay itinataboy.


Maraming pasyente rin ang namatay na lang nang hindi nabibigyan ng wastong atensyong medikal.
Matatandaang inanunsyo ng mga otoridad na sa bahay na lang mag-quarantine ang mga pasyenteng may mild na sintomas para maibigay ang kama sa may mga malalang kondisyon.