HINDI na itutuloy ng Department of Health (DOH) ang plano nitong pagbili ng apat na high-end laptop na nagkakahalaga ng P700,000 matapos ilabas ng Commission on Audit (COA) ang report nito hinggil sa maling paggamit sa P67.3 bilyong pondo kontra coronavirus disease (COVID-19).
Kasabay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na iginagalang ng Palasyo ang hakbang ng Kongreso na imbestigahan ang kwestunableng paggamit ng pondo ng DOH.
“Wala po tayong magagawa sa desisyon ng Kongreso, dahil sila po ay independiyenteng sangay ng gobyerno at talaga pong katungkulan at responsibilidad ng Kongreso na magkaroon ng ganiyang imbestigasyon,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na inaasahan namang sasagutin ni Health Secretary Francisco Duque III ang isyu sa nakatakdang Talk to the People ni Pangulong Duterte mamayang gabi.
“Pero mamaya po sa Talk to the People, asahan po natin na baka po magbigay ng paunang kasagutan ang DOH, mamayang gabi sa harap ni Presidente at sa harap ng taumbayan,” aniya.