PINAYUHAN ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino na huwag pumila sa mga community pantry at hintayin na lang ang ayuda ng pamahalaan para hindi madapuan ng Covid-19.
Sa kanyang public address, sinabi ni Duterte na mas mabuting ang mga barangay health workers ang maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng pandemya.
“People were swarming. It might not be the first thing that you did with your idea, but from there it generated ‘yung mga ito. Nagkalapit-lapit, nagkalapit-lapit hanggang magtaas na naman,” aniya.
Dagdag ng Pangulo, hintayin na lang ng publiko ang ayuda ng pamahalaan dahil mas ligtas ito.
“This is not meant as an insult. Hindi n’yo kasi alam. Ngayon, kasi ginawa n’yo, hindi n’yo talaga alam… The fact na ginawa n’yo, hindi n’yo alam ang consequences,” aniya.
“Ang mga tao, matigas kasi ulo ninyo. Ayaw ninyong maniwala. Sinabi na ngang mabuti na nga mag-istambay ka na lang. Alam n’yo, hindi ito biro, ‘pag tinamaan ka ng Covid,” sabi pa niya.
Ibinunyag din niya na tahimik lang na nagbibigay ng ayuda ang pamahalaan sa mga mahihirap.
“Ngayon, kayong mga wala talagang makain, maghintay lang kayo and try to communicate with your barangay captain. Ako, nagsabi ako, magbalot kayo ng pagkain, ibibigay n’yo ‘yan sa mga tao. Sikreto,” ayon sa Pangulo.