NAG-SORRY si Pangulong Duterte sa publiko matapos payagan ang operasyon ng e-sabong sa kanyang termino.
“Kaya ‘yung e-sabong, I’m sorry, I did not really realize that it would be like… Akala ko kasi ‘yung ano — the moving factor there was… Naimbiyerna kasi ako 640 million a month tapos so many billions a year because our — maraming nago-operate eh,” sabi ni Duterte matapos pangunahan ang inspeksyon ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Idinagdag ni Duterte na huli na nang mapagtanto niya ang naging epekto nito sa mga Pinoy.
“Kaya ‘yun ang naano ko, but I realized very late and I am very sorry that it had to happen. Hindi ko akalain na ganoon, hindi naman ako nagsusugal. I do not gamble, I do not drink anymore, only water,” aniya.
Matatandaang ilang sabungero ang nawala dahil sa e-sabong. May isang ina ring nagbenta ng anak dahil sa utang sa e-sabong. May mga ulat din nang pagpapakamatay sa Tarlac dahil sa nasabing online sugal.
Ayon mismo kay Duterte, base sa ulat sa kanya ni Interior Secretary Eduardo Ano, nakakapagsangla ng mga ari-arian at nagkakautang ang maraming Pilipino dahil sa pagkagumon sa e-sabong.