BARDAGULAN na ‘to!
Ngayong araw ay sinabihan ni Pangulong Duterte si Sen. Manny Pacquiao na ang pagiging kampeon nito sa boxing ring ay hindi nangangahulugan na kampeon din ito sa politika.
Nagsimula ang away ng dalawang dating magkaibigan nang ihayag ni Pacquiao na mas masahol ang korupsyon sa administrasyong-Duterte kumpara sa nagdaang gobyerno.
Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na kailangan pang maghanap ni Pacquiao ng ibang ahensya ng pamahalaan na talamak ang katiwalian dahil naipadala na rito ng Department of Health ang listahan ng mga pinagkagastusan nito ngayong pandemya. Matatandaan na itinuro ni Pacquiao ang DoH sa isa sa mga kagawaran na laganap ang katiwalian.
“So maghanap pa si Pacquiao ng iba. Siya ‘yung may sabi may corruption, so it is his burden to identify the office,” ani Duterte.
“You know, when you are a champion in boxing, it doesn’t mean to say you are a champion in politics,” dagdag niya. “He’s blabbering his mouth, tapos na. I am waiting for his word, for the next department that he will choose to investigate.”
Bago ito, sinabi ni Pacquiao na hindi niya inaatake si Duterte kundi nais lang niyang tumulong sa anti-corruption campaign ng pamahalaan.
Idinagdag ni Duterte na nag-backout umano si Pacquiao sa nakatakdang laban nito.
“Probably he knows that he is too old for that, and failing in his boxing career, kung matalo siya, he’s a goner actually,” ayon sa Pangulo na hindi naman sinabi kung anong laban ng boxing champion ang pinatutungkulan niya.
Naniniwala rin si Duterte na politika ang ugat ng mga pagsasalita ni Pacquiao laban sa pamahalaan.
“Maybe he could not wait for the announcement that (the ruling) PDP-Laban will go for him, ayun nagwala, nagsabi corruption dito, corruption doon,” aniya pa.
“He has been with government for so long a time as a senator. My question to Pacquiao is, bakit ngayon ka lang nagsalita?” hirit pa ng Pangulo.