INIHAYAG ngayong Linggo ng Department of Foreign Affairs na 20 Pinoy ang inaresto at hindi 17 gaya nang unang ulat dahil sa pagsasagawa ng political rally noong Biyernes.
Ito ay base sa kumpirmasyong ipinadala ng embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, isa s 20 Pinoy na inaresto ay napalaya na habang ang 19 ay nakadetine pa rin.
“Ayon sa ambassador natin sa Doha, Qatar, actually 20. Tapos may isang na-release. Napayagan na makausap sila. Sinusubukan nating ma-release sila,” ani De Vega.
Idinagdag nito na handa ang embahada na tulungan ang mga Pinoy na inaresto sakaling sampahan sila ng kaso.
Nagsagawa ng rally ang mga ito sa Qatar noong Marso 28, kasabay ng pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nakapiit sa The Hague, Netherlands, at nahaharap sa kasong crimes against humanity.
Worldwide protest ang ikinasa ng kanyang mga tagasuporta.