IBA’T ibang employees’ union ng Department of Education, mga guro at mga magulang ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa napipintong pag-upo ni presumptive Vice President Sara Duterte bilang bagong kalihim ng kagawaran.
Sa isang manifesto ng pagsuporta, naniniwala ang DepEd National Employees Union (NUE), DepEd Teachers Union-National Teachers Association (DTU-NTAI), Kaakbay ng Guro, Inc and National Parent-Teachers Association (NPTA) na kaya ni Duterte na ipagpatuloy ang nasimulang programa ng kasalukuyang Education Secretary Leonor Briones.
“Kami ay naniniwala at umaasa sa itatalagang bagong kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, na marapat ipagpatuloy ang mga nasimulang makabuluhang program at proyekto, partikular sa ika-walong adyendang pang-edukasyon sa panahon ng liderato ni Secretary Leonor ‘Liling’ Magtolis Briones,” ayon sa joint statement.
Dalawang araw matapos ang eleksyon, sinabi ni presumptive President Bongbong Marcos Jr na itatalaga niya ang kanyang running mate sa DepEd, at tinanggap na ito ni Duterte.
“Kami ay naniniwala kay Bise-Presidente Inday Sara Duterte na magiging epektibo at magaling na kalihim ng kagawaran, at isasaalang-alang ang batayang kapakanan ng non-teaching personnel ng kaguruan,” ayon pa sa mga ito.
Nilagdaan ang manifesto nina Cynthia ibale-Villarin, national president, DTU-NTAI; Atty. Domingo B. Alidon, national president, NUE; Wilfredo O Rodriguez, founding president, NPTA; and Fernando G. Petite, Kaakbay ng Guro, Inc.