SINABI ni National Security Adviser Clarita Carlos na maghahain ng Pilipinas ng note verbale sa China matapos ang insidente ng pang-aagaw ng Chinese coast guard ng rocket debris mula sa Philippine Navy.
“Maghahain tayo ng note verbale sa China at sabihin natin kakausap pa lang ni (Chinese) President Xi Jingping at President (Ferdinand “Bongbong”) Marcos (Jr.) sa Cambodia, doon nila sinasabi na tutukan nila ang constructive engagement and critical dialogue at (ngayon) nangyari na naman ito. Paulit-ulit na lang ito. Ano bang katuturan ng sinabi ng liderato nila si Xi Jingping, wala bang laman?” sabi ni Carlos.
Ayon sa ulat, dalawang beses na hinarang ng barko ng China ang barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng towing sa debri ng rocket noon Linggo sa Thitu Island nang sapilitang agawin ito ng Chinese coast guard.
“Ang President mismo ang nagsabi na ang West Philippine Sea ay hindi lamang relasyon sa China, pero dapat maintindihan din ng China kung saan ang national interest. Ang supreme national interest natin ay pagprotekta sa ating teritoryo at pagprotekta sa ating Pilipino sa ating karagatan,” dagdag ni Carlos.