UMAASA ang Kamara na sa ilalim ng bagong pamunuan ng Senado ay uusad na ang mga panukalang isinusulong ng administrasyon, gaya ng charter change.
Ayon kay House Majority Leader and Zamboanga Rep. Manuel Dalipe na mabibigyang pansin na rin ang mga pangunahing panukala na nakabinbin ngayon sa Senado gaya na lang ng pag-ameynda sa 1987 Constitution at ang 2019 rice tarrification law.
“I am very optimistic that with this new leadership in the Senate, Senate President Escudero will be unifying. I am also optimistic that he would also push for economic reforms needed in the Constitution,” ayon sa mambabatas.
Umaasa anya siya na maililinya na ng Kamara at Senado ang mga panukala na higit na kailangang pagtuunan ng pansin.
Sa kanyang pagbaba bilang lider ng Senado, sinabi ni Zubiri na posibleng kinainisan siya ng Malacanang dahil sa pagiging independent ng Senado.
Ayon kay Dalipe, 736 panukala ang nakabinbin at naghihintay ng aksyon ng Senado, 20 rito ay priority bills na isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hindi rin nabibigyang pansin ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, para tanggalin ang constitutional restrictions para sa foreign ownership sa public utilities sa bansa, educational institutions and advertising sector.