PINADADALO si dating Education Secretary Leonor Briones sa pagdinig sa Senado ukol sa pagbili ng ‘overpriced’ at outdated laptops para sa mga public school teachers, ayon kay Senate blue ribbon committee chair Francis Tolentino.
Bukod kay Briones, pinatatawag din ng komite si Procurement Service-Department Budget and Management (PS-DBM) head Lloyd Christopher Lao na dumalo sa pagdinig sa Agosto 25.
Ang pagdinig ay may kinalaman sa annual audit na ginawa ng Commission on Audit kung saan sinabi nito na P2.4 bilyon ang ginastos ng pamahalaan para bumili ng laptop sa pamamagitan ng PS-DBM. Ang mga laptop ay para sa mga guro at binili sa panahon ng pandemya kung saan naka-online ang mga klase.
“The inquiry will be on Thursday. Everyone involved is invited,” sagot ni Tolentino kung kabilang si Lao sa inimbitahan.
“I think (Briones) was invited because it was during her time,” ayon sa mambabatas.
Ngunit sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na nakita niya ang listahan ng mga inimbitahan sa inquiry at hindi niya nakita ang pangalan ni Lao.