NAGBABALA ang isang political analyst na posibleng mahati ang boto ng administrasyon sa darating na halalan sakaling kumalas si Senador Manny Pacquaio sa PDP-Laban at tumakbo nang solo bilang pangulo.
Sa isang panayam, sinabi ni University of the Philippines (UP) Diliman College of Political Science Professor Aries Arugay na kaya ni Pacquiao na tumakbo sa pagkapangulo gamit ang kanyang sariling pera.
Patuloy ang iringan sa loob ng partido ng administrasyon lalo pa’t may ibang napipisil ang grupo para patakbuhin sa halalan habang si Pacquiao naman ay nangangarap din.
“Napaka interesting ng nangyayari sa administration, meaning sa coalition na ito kasi alam naman natin na napakalawak noong iba’t ibang personalidad, iba’t ibang mga paksyon, at alam natin kulang ang upuan, kulang ang espasyo para sa mga ambisyosong politiko sa administration,” sabi ni Arugay.
“Kay Senator Pacquiao na malamang magkakaroon pa rin siya, na sabihin na natin na tumakbo walang basbas ng administrasyon, yung name recall niya, magiging advantange niya,” dagdag ni Arugay.
Isinusulong ng PDP-Laban ang kandidatura ni Duterte bilang bise presidente kasama si Davao City Mayor Sara Duterte bilang kanyang ka-tandem.