Tourism Sec lumabag sa health protocol, inokray ni Nancy Binay

KINASTIGO ni Sen. Nancy Binay si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat dahil sa paglabag umano sa Covid-19 health protocols nang samahan nito sa pamamasyal ang pamilya ni Dr. Vicki Belo sa Bohol.


Sa kalatas, sinabi ni Binay na makikita sa Instagram stories ni Puyat ang ilang paglabag gaya ng paglabas ng menor de edad na si Scarlett Snow.


“Allowing a six-year-old child to go around without face mask and face shield in tour sites and public areas, and for a member of Cabinet not practicing basic health protocols is flat out unacceptable,” ani Binay.


Makikita sa isa sa IG stories ni Puyat ang kalihim at si Scarlett Snow sa South Farm sa Panglao, Bohol, na walang suot na face mask.


“I understand fully the concern of Sec. Berna in helping the industry. Talagang dapang-dapa na ang ating industriya ng turismo, but what everyone saw in her IG post is a disturbing lapse of judgment that showcased a series of public health and IATF violations,” paliwanag ni Binay.


“Kapag laging ganito, nalulusawsaw ang mensahe na dapat maging mas vigilant tayo ngayon dahil maraming mas fatal na Covid variants na ang nasa Pilipinas,” aniya pa.


“Naha-highlight din ‘yung unfair application ng IATF rules — maluwag tayo doon sa mga may sinasabi sa lipunan, pero kinakaladkad natin ‘yung mga maliliit at walang-wala,” dagdag niya.


Pinunto rin ni Binay na bumisita rin si Puyat at ang pamilya Belo sa ilang pook sa probinsya, na isang paglabag sa “point-to-point” policy.