NAG-POST ng mga larawan ni Pangulong Duterte sa social media si Sen. Bong Go bilang patunay na walang sakit at nasa bansa ang presidente.
“Sa mga may masasamang Hangarin, Wag muna kayo mag celebrate!! Nandito lang si Tatay Digong. Tambak ang trabaho. Hindi ito ang panahon ng pagsisisihan kundi panahon ng Pagtutulungan,” ani Go sa caption.
‘Suot ko damit kong dilaw pero DU30 yan!!! Sana tulungan na lang natin ang ating mahal na Pangulo para malagpasan natin ang crisis na ito bilang nagkaka-isang mamamayang Pilipino. Salamat po,” dagdag niya.
Maraming haka-haka ukol sa lagay ni Duterte ang lumutang nang ianunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi magbibigay ng public address ang Pangulo kagabi matapos itong ma-postpone noong Lunes.
Paliwanag naman ni Roque, ipinagpaliban ang lingguhang “Talk to the People” ni Duterte dahil dumami na rin ang bilang ng mga miyembro ng Presidential Security Group na tinamaan ng Covid-19.
“The physical safety of the President remains our utmost concern,” ani Roque.
“In addition, the preparation for the Talk to the People Address entails a number of staff complement and we also take due consideration of their well-being.”