BUMABA ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Hulyo, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Office.
Sa tala, umabot sa 2.60 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho nitong Hulyo, mas mababa sa 2.99 milyon na naitala noong Hunyo, at 3.23 milyon noong Hulyo 2021.
Nangangahulugan na ang unemployment rate ay nasa 5.2 percent nitong Hulyo, mas mababa sa 6.0 percent noong Hunyo, at 7.2 percent noong Hulyo 2021.
Bumaba man ang unemployment rate, sinabi ng PSA na tumaas naman ang bilang ng underemployment.
Umabot sa 6.54 milyon ang underemployed na mg Pinoy nitong Hulyo, mas mataas sa naitala noong Hunyo na 5.89 milyon. Gayunman, mas mababa ito sa 8.77 milyon na nairekord noong Hulyo 2021.
Ang mga underemployed na tinutukoy ay sila na may trabaho ngunit hindi sapat ang “paid hours” o sila na nagtatrabaho bilang “part time” o mga highly skilled ngunit hindi sumusuweldo ng tama o sapat.