INALOK ni Pangulong Bongbong Marcos si dating Senador Leila De Lima na ililipat siya sa ibang detention center kung nanaisin nito.
Ito ay matapos ang nangyaring hostage-taking Linggo ng umaga sa PNP Custodial center sa Quezon City kung saan nakadetine ang dating senador.
“Following this morning’s incident at Camp Crame, I will be speaking to Senator De Lima to check on her condition and to ask if she wishes to be transferred to another detention center,” ayon kay Marcos.
Naganap ang pangho-hostage kay De Lima alas 6:30 ng umaga ng isang detainee na nakilalang si Feliciano Sulayao Jr. na nagtangkang tumakas. Kasama ni Sulayao ang dalawa pang detenido na sina Arnel Cabintoy at Idang Susukan na binugbog at sinaksak ang isang pulis nang magtangka silang tumakas.
Nakita naman ito ng isa pang pulis kung kayat binaril at napatay nito sina Cabintoy at Susukan. Dahil dito tumakbo papalapit kay De Lima si Sulayao at ginawa itong hostage.
Sinabi naman ni Press Officer-in-charge Cheloy Garafil na ipinag-utos na ni Marcos sa PNP na ipatupad ang lahat ng hakbang na kinakailangan upang matiyak na walang iba pang karahasan na magaganap sa nasabing pasilidad.